WASHINGTON — Nagbanta si US President Donald Trump ng panibagong matinding pag-atake laban sa Iran matapos ang unang direktang palitan ng opensibang militar ng dalawang bansa sa loob ng isang buwan.
“We’re going to hit them hard. There will be a response,” sinabi ni Trump sa Fox News matapos maglunsad ang Iran ng mga missile patungo sa dalawang US air bases sa Jordan.
Ang opensiba ng Tehran ay tugon sa pag-atake ng US forces sa dalawang Iranian launchers sa Larak Island sa Strait of Hormuz nitong Linggo.
Ayon sa US Central Command, nagsagawa ito ng “limited” at “precise” strike laban sa mga puwersa ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na umano’y naghahandang maglagay ng sea mines sa Strait of Hormuz.
Tatlo umano ang nasawi sa US strike, ayon sa Iranian media, habang dalawa sa kanila ay kinilalang miyembro ng Revolutionary Guards Navy.
Sinabi naman ng isang senior Iranian source sa Reuters na “limited and contained” ang pinakahuling palitan ng putok ngunit nagbabala ang Tehran ng mas mabigat na tugon sakaling muling atakihin.
Bagama’t muling uminit ang tensyon, kapwa hindi nagpahiwatig ang dalawang panig na nais nilang agad bumalik sa full-scale fighting.
Sinabi rin ni Iranian President Masoud Pezeshkian na pabor pa rin ang Tehran sa negotiated settlement at iginiit na walang makikinabang sa pagpapatuloy ng digmaan.
Mahalaga sa pandaigdigang ekonomiya ang Strait of Hormuz dahil malaking bahagi ng global oil at gas shipments ang karaniwang dumaraan dito. Dahil sa panibagong bakbakan, muling lumampas sa $90 kada barrel ang Brent crude oil habang nabuhay ang pangamba sa posibleng panibagong disruption sa suplay ng langis.
Maaari ring magkaroon ng epekto sa mga bansang umaasa sa imported petroleum products, kabilang ang Pilipinas, kapag nagtagal ang mataas na presyo ng langis sa international market.
Samantala, nag-post si Trump sa social media ng mga video na tila nagpapakitang sumasabog ang Kharg Island, pangunahing oil export hub ng Iran.
Gayunman, napag-alamang AI-generated ang mga video at walang ebidensyang nagkaroon ng naturang pag-atake sa Kharg Island. Dave Medina