LEGAZPI CITY — Pansamantalang ipinagbawal ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ang pagpasok ng live hogs, karne ng baboy at iba pang pork-based products mula sa Camarines Sur kasunod ng mga naitalang kaso ng African swine fever (ASF) sa kalapit na lalawigan.
Sa ilalim ng Executive Order No. NER-050, Series of 2026 na inilabas ni Albay Gov. Noel Rosal, layunin ng hakbang na maprotektahan ang swine industry ng lalawigan at maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng ASF.
Ang mga shipment ng baboy at pork products na nagmula sa Camarines Sur ay maaaring kumpiskahin o ibalik sa pinanggalingan alinsunod sa kautusan.
Nanatiling ASF-free ang Albay kaya pinaigting ng provincial government ang biosecurity measures bilang pag-iingat laban sa sakit.
Kinumpirma naman ng Department of Agriculture-Bicol sa pamamagitan ng laboratory testing ang mga kaso ng ASF sa ilang lugar sa Camarines Sur.
Sa pinakahuling update ng DA-Bicol noong Agosto 27, may mga positibong kaso sa ilang barangay sa Iriga City, gayundin sa Nabua, Pili, Pamplona at Ragay. Nauna ring nakapagtala ng kaso ang Naga City.
Patuloy ang depopulation, surveillance at monitoring sa mga apektadong lugar, habang ipinapatupad din ang mas mahigpit na biosecurity, paglilinis at disinfection at restrictions sa paggalaw ng mga baboy.
Bukod sa temporary ban, muling bubuuin ang Provincial Task Force for Animal Disease Emergencies ng Albay upang mangasiwa sa animal disease prevention, preparedness at response measures.
Ang Albay Veterinary Office ang mangunguna sa pagpapatupad ng kautusan katuwang ang mga local government unit at iba pang kinauukulang ahensya. Mary Anne Sapico