Home NATIONWIDE Malakanyang, ‘di sang-ayon gawing libre muna koleksyon ng toll fee sa NLEX:...

Malakanyang, ‘di sang-ayon gawing libre muna koleksyon ng toll fee sa NLEX: mas maraming ma-stranded

1
0

MANILA, Philippines – Hindi sang-ayon ang Malakanyang sa panukalang gawing libre muna ang koleksyon ng toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) sa gitna ng maraming sasakyan ang na-stranded dahil sa traffic jam at bahang nagsimula nito lamang Sabado.

Ang katuwiran ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro mas maraming papasok at gagamitin ng NLEX kung ililibre ang toll fee. Magiging dahilan aniya ito ng mas matinding trapiko.

“Iyong stranded doon? Libre? Bakit ka pa papasok kung trapik na. huwag na muna kayong dumaan doon, kasi kung hindi naman siya makakalusot, so ano ang purpose ng libre,  tanong ko lang. magandang adhikain iyong libre. Pero kung ililibre natin, ‘di ba mas maraming sasakyan ang papasok. So kapag maraming papasok na sasakyan, mas lalong magkakaroon ng trapik. So dapat nga iwasan na muna nila itong NLEX,” ang paliwanag ni Castro.

At kung ipararating pa aniya ang panukalang ito sa Pangulo, naniniwala si Castro na dapat ay magkusa na ang pamunuan ng NLEX na magdesisyon sa bagay ito.

“Siguro, bago po magmungkahi ang Pangulo, alam naman po ng NLEX kung ano  ang nangyari dito. At ano ang kanilang responsibilidad, dapat sa kanila manggaling ang kautusan na ito,” ani Castro.

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na napag-usapan sa situational meeting ang problema sa NLEX.

“Kahapon ay napag-usapan ang problemang iyan, pero hindi napag-usapan kung anumang sanction. Ang nasa proposal po ng Pangulo ay paano po matutulungan iyong mga naipit nating mga kababayan sa NLEX, most probably, kapag nakausap ko ang Pangulo ay itatanong ko po iyan, dahil hindi po sa ngayon ang pag-sanction ang inuuna ng Pangulo, kung hindi ang kaginhawaan ng ating mga motorista,” ang sinabi ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here