MANILA, Philippines – Nagkaisa sina House prosecution spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre sa pagsasabing “nabudol” ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President at dating Education Secretary Sara Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ukol sa paggamit ng P112.5 milyong confidential funds.
Ang pahayag ay ginawa ng dalawang mambabatas kasunod ng testimonya sa Senate impeachment court ni Army Col. Manaros Boransing II.
Ayon kay Adiong, malinaw sa testimonya ni Boransing na ginamit lamang ng DepEd bilang “front” ang mga lumang programa ng militar tulad ng Youth Leadership Summit (YLS) upang pagtakpan ang kwestiyonableng paggasta sa secret funds na pinuna ng Commission on Audit (COA).
“Isa lang pong conclusion ang puwede nating ma-draw from the testimony of Col. Boransing: nabudol po ang AFP,” giit ni Adiong.
Inilabas ng DepEd ang sertipikasyon ng militar bilang katibayan sa pagliquidate sa P15.54 milyong confidential funds na ibinayad umano bilang pabuya sa mga impormante.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Adiong na ang ibinigay ng Army ay karaniwang certificate of attendance lamang at walang anumang perang itinurn-over naman ang DepEd sa AFP.
Sinegundahan naman ito ni Acidre at sinabing hindi lamang ang militar kundi maging ang taumbayan ay nabudol.
Ayon kay Acidre, ang usapin ay nag-iiwan ng mas malalaking katanungan hinggil sa kabuuang P112.5 milyong secret funds ng DepEd at maging sa P500 milyong katulad na alokasyon sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP).
Samantala, kasunud ng rebelasyon sa impeachment trial ukol sa paggamit ng sertipikasyon ng military para bigyang katwiran ang paggamit ng condidential funds ay hinamon ni Alonto Adiong ang Commission on Audit (COA) na muling repasuhin ng COA ang 2023 confidential funds ng DepEd bago ito magpalabas ng pinal na desisyon. Gail Mendoza