MANILA, Philippines — Nagbabala ang isang international election assessment mission sa mga panganib ng vote buying, voter intimidation, controlled voting at paggamit ng “flying voters” habang papalapit ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14.
Sa Pre-Election Assessment Report na inilabas nitong Setyembre 1, sinabi ng Asian Network for Free Elections (ANFREL) at National Democratic Institute (NDI) na nananatili ang mga panganib ng localized violence, intimidation at controlled voting, partikular sa mga lugar na malakas ang impluwensiya ng political clans at armed groups.
Kabilang sa mga ikinababahala ng mga stakeholder na nakapanayam ng mission ang posibleng paggamit ng pre-shaded ballots at “flying voters” o mga botanteng maaaring bumoto sa higit sa isang presinto, lalo na sa mga liblib na lugar.
Tinukoy rin sa assessment ang rido o clan feuds, political rivalries, private armed groups at natitirang extremist elements bilang ilan sa mga salik na maaaring magdulot ng election-related violence. Ayon sa report, 108 lugar sa BARMM ang tinukoy ng Commission on Elections (Comelec) bilang areas of concern, kabilang ang 21 sa Lanao del Sur.
Nanatili ring malaking usapin ang vote buying at posibleng paggamit ng government resources para sa kampanya. Sinabi ng ANFREL-NDI na ang pagkakaiba sa campaign resources, patronage networks at impluwensiya ng political clans ay maaaring makaapekto sa patas na kompetisyon.
Bukod dito, nakita ng mission na mababa pa rin ang pag-unawa ng maraming botante sa parliamentary system, kabilang ang tatlong boto na kanilang ilalagay at kung paano mapipili ang chief minister. Limitado rin umano ang naaabot ng voter education, partikular sa geographically isolated communities at Non-Moro Indigenous Peoples.
Sa kabila nito, sinabi ng report na maayos ang takbo ng paghahanda ng Comelec at Bangsamoro Electoral Office at generally positive ang pananaw ng mga stakeholder sa kanilang independence, transparency at kapasidad na pangasiwaan ang halalan.
Hinimok ng ANFREL at NDI ang mga awtoridad na higpitan ang pagpapatupad ng mga patakaran laban sa vote buying at abuse of state resources, palawakin ang voter education at tiyaking impartial ang security arrangements.
Ang Setyembre 14 election ang unang regular parliamentary elections sa BARMM at maghuhudyat ng paglipat mula sa appointed Bangsamoro Transition Authority tungo sa isang halal na Bangsamoro Parliament. Mary Anne Sapico