Home OPINION DERMALOG AT STRADCOM: SISTEMANG MAGULO, TAO NAPEPERWISYO

DERMALOG AT STRADCOM: SISTEMANG MAGULO, TAO NAPEPERWISYO

2
0

SA LTO, tila hindi lamang rehistrasyon at lisensya ang kailangang ayusin. Pati ang mismong sistemang dapat nagpapadali sa serbisyo publiko ay nalagay sa isang komplikadong banggaan ng teknolohiya, kontrata, obligasyon at pananagutan.

Sa isang panig, naroon ang STRADCOM, ang domestic IT provider na matagal nang nagpapatakbo ng dating LTO information technology infrastructure. Sa kabilang panig naman ang DERMALOG, ang German technology firm na kinontrata noong 2018 para sa Land Transportation Management System o LTMS.

Ang dapat sana’y modernization ay nauwi sa parallel operation—dalawang sistemang sabay ginagamit.

Bakit umabot sa ganito?

May direktiba umano ang Ombudsman na ihinto ang paggamit ng STRADCOM at tuluyang lumipat sa LTMS. Ngunit nagpapatuloy ang LTO sa parallel operation dahil may mga transaksyong hindi pa umano kayang isagawa nang maayos ng LTMS, bukod pa sa mga hindi pa nareresolbang isyu at nakabinbing kaso.

Mas nakakabahala ang sinasabing may mga transaksyon na gumagamit ng lumang sistema na may kasamang computer fee na P67.63 hanggang P169.06, samantalang walang ganitong bayad sa LTMS. Kaya may grupong humihingi ng refund na umaabot sa P28.56 bilyon.

Pero dito kailangang maging patas ang pagsusuri.

Kung may pagkukulang ang DERMALOG sa kumpletong turnover ng source codes, encryption keys at iba pang kinakailangang components, dapat itong ipaliwanag. Kung may obligasyon naman ang pamahalaan na hindi pa nito natutupad sa kontrata, dapat ding sabihin kung ito ba ang dahilan kung bakit hindi kumpleto ang turnover.

May dokumento ring nagsasabing inaprubahan noong 2023 ang parallel implementation sa ilang transaksiyon kung saan hindi pa kayang gampanan ng LTMS ang ilang function. May mga transport groups din umanong humiling na ipagpatuloy ito dahil sa mga limitasyon ng bagong sistema.

Kung gayon, hindi sapat na tanungin kung bakit ginagamit pa ang STRADCOM. Dapat tanungin kung bakit hindi naging ganap na handa ang LTMS bago ito itinuturing na kapalit ng lumang sistema.

May findings din umano ang DICT at COA hinggil sa mga kakulangan ng LTMS. Kung totoo ang mga ito, hindi lamang teknikal na problema ang dapat tingnan. Dapat ding suriin ang procurement, implementation, payment, acceptance at monitoring ng kontrata.

At higit sa lahat, huwag kalimutang may taong nagbabayad sa gitna ng banggaan ng dalawang sistema—ang ordinaryong motorista.

Hindi dapat maging eksperimento ang serbisyo publiko.

Kung may dapat managot, managot. Kung may dapat bayaran, bayaran. Kung may dapat itama, itama.

Pero ang pinakamahalaga ay dapat isang malinaw, gumaganang at tunay na serbisyong LTO ang dapat makuha ng publiko at hindi dalawang sistemang nagtuturuan habang ang motorista ang naiipit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here