Home OPINION BAWAT SAKUNA, MAY NAKIKINABANG?

BAWAT SAKUNA, MAY NAKIKINABANG?

1
0

ANO na ba talaga ang nangyayari sa Pilipinas?

Kapag hindi gutom, baha. Kapag hindi baha, problema sa edukasyon. Kapag hindi edukasyon, trabaho. Kapag hindi trabaho, peace and order. At ngayon, pati kalusugan ay kasama na sa mahabang listahan ng ating mga suliranin—mula sa leptospirosis na kaakibat ng maruming baha hanggang sa banta ng maruming hanging maaaring makaapekto sa kalusugan.

Pati si Mayor Isko Moreno ay nagbabala tungkol sa epekto ng maruming hangin na maaaring dumating sa Metro Manila mula Indonesia.

Talagang walang pahinga ang problema ng Pilipino.

Parang ang buong bansa ay isang pasyenteng sunod-sunod ang iniindang karamdaman. Kapag gumaling sa isa, may bagong sakit na naman. Kapag hindi binaha, nagugutom. Kapag may pagkain, walang trabaho. Kapag may trabaho, kulang ang kita. Kapag may paaralan, kulang ang pasilidad. At kapag dumating ang sakuna, ang unang hinahanap ay hindi solusyon kundi ayuda.

Diyan tayo dapat magtanong.

May balak na naman kayang mamahagi ng ayuda ang Maynila? O kailangan lamang munang magkaroon ng sapat na dahilan para may panibagong programa, panibagong pondo at panibagong listahan ng beneficiaries?

Huwag sana.

Hindi naman masama ang ayuda. Sa panahon ng tunay na pangangailangan, tungkulin ng pamahalaan na tumulong. Ngunit ang bawat krisis ay hindi dapat gawing permanenteng dahilan upang paulit-ulit na maglabas ng pera ang gobyerno nang walang malinaw na sistema, transparency at pananagutan.

Dahil sa isang bansang sanay nang makarinig ng bilyon-bilyong pisong pondo na nauuwi sa kontrobersiya, hindi maiiwasang itanong: Ang bawat bagong sakuna ba ay bagong pagkakataon para tumulong—o bagong pagkakataon para magnakaw?

Hindi natin inaakusahan ang sinoman. Ngunit karapatan ng publiko na magtanong, lalo na kung pera ng bayan ang gagamitin.

At hindi lahat ng problema ay dapat isisi sa kasalukuyang administrasyon. Marami sa mga ito ay matagal nang suliranin. Ang tunay na sukatan ng pamahalaan ay kung paano nito hinaharap ang mga ito—may plano ba, may resulta ba, at may nananagot ba?

Dahil ang Pilipino ay hindi dapat habang-buhay umaasa sa ayuda.

Ang kailangan niya ay gobyernong hindi naghihintay ng sakuna para kumilos—at lalong hindi gumagamit ng sakuna para pagkakitaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here