Home NATIONWIDE Sen. Jinggoy ginagalang desisyon ng Sandigan sa pagkalos kay Bonoan bilang akusado

Sen. Jinggoy ginagalang desisyon ng Sandigan sa pagkalos kay Bonoan bilang akusado

3
0

MANILA, Philippines — Sinabi ng kampo ni Sen. Jinggoy Estrada na gagamitin nila ang lahat ng legal remedies na nakasaad sa batas matapos payagan ng Sandiganbayan Fifth Division na alisin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan bilang kapwa akusado sa plunder at graft cases kaugnay ng umano’y kickbacks sa flood control projects.

Sa pahayag ni Estrada, sinabi niyang iginagalang niya ang desisyon ng anti-graft court ngunit pag-aaralan ng kanyang legal team ang mga susunod na hakbang upang kuwestiyunin ito.

“While I respect the decision of the Sandiganbayan, I wish to emphasize that there remain legal remedies available to me under our judicial system,” ani Estrada.

Sa botong 2-1, pinagbigyan ng Fifth Division ang mosyon ng Office of the Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado. Ayon sa korte, saklaw ng “prosecutorial discretion” ng Ombudsman ang pagpapasya kung sino sa mga akusado ang gagamitin bilang state witness.

Nauna nang pumayag si Bonoan na makipagtulungan sa Ombudsman at magbigay umano ng impormasyon tungkol sa sistema sa likod ng sinasabing kickback scheme. Iginiit ng Ombudsman na mahalaga ang kanyang testimonya sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Kasama sina Estrada at Bonoan sa mga kinasuhan noong Mayo kaugnay ng umano’y mahigit ₱500 milyong kickbacks mula sa flood control projects.

Iginiit naman ni Estrada na patuloy siyang aasa sa due process at rule of law upang ipagtanggol ang kanyang sarili at linisin ang kanyang pangalan.

“My faith in our judicial system remains firm,” ani Estrada.

Nakatakda sa Setyembre 3 ang arraignment ni Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here