MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na “guilty” sa isang babaeng akusado at iginiit na hindi maaaring gawing basehan para ibasura ang kaso ang affidavit of desistance ng biktima na nagbabawi ng reklamo sa trafficking.
Sa pahayag nitong Martes, iginiit ng pinakamataas na hukuman na kapag nasa korte na ang kaso, hindi na maaaring magdesisyon ang complainant kung itutuloy ito o hindi.
Pinagtibay ng Korte ang hatol ng Regional Trial Court o RTC noong 2019, gayundin ang desisyon ng Court of Appeals noong 2023, na nagpataw ng habambuhay na pagkakulong nang walang parole laban kay Mary Joy Dela Torre, na napatunayang guilty sa qualified trafficking in persons.
Napatunayan siyang nagbenta ng isang 13-anyos na batang babae para sa prostitusyon noong 2016.
Ayon sa hatol ng SC, “walang evidentiary value ang affidavit(s) of desistance sa mga kaso ng trafficking.”
Sinabi rin ng SC na “ang estado ang naapektuhan sa pagbasura ng kriminal na kaso — hindi ang pribadong complainant” at nasa estado ang pagpapasya kung itutuloy ang kaso.
Ipinaliwanag pa ng Korte na “sa sarili nitong bisa, hindi sapat ang affidavit of desistance o pardon para ibasura ang isang kaso kapag naisampa na ito sa korte.”