Home METRO Anak, itinuturong utak sa pagpaslang sa negosyanteng ama, partner sa Quezon

Anak, itinuturong utak sa pagpaslang sa negosyanteng ama, partner sa Quezon

4
0

QUEZON — Anak mismo ng isang negosyante ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa kanyang ama at live-in partner nito sa Mauban, Quezon, ayon sa follow-up investigation ng pulisya.

Ayon kay Mauban police chief PMaj. Hubert Jabrica sa isang ulat, lumitaw sa imbestigasyon na nag-alok umano ng P250,000 ang anak na itinago sa alyas na “Ineng” para ipapatay ang kanyang ama.

Problema umano sa pamilya at galit sa ama ang tinitingnang motibo ng mga imbestigador.

Batay sa imbestigasyon, una umanong kinausap ni Ineng ang alyas “Kim,” 30, na nakipag-ugnayan naman sa alyas “Mervin.” Sinasabing pumayag si Mervin na isagawa ang pagpatay kapalit ng P100,000.

Naaresto si Mervin ilang oras matapos ang krimen, habang sumuko naman si Kim sa pulisya nitong Lunes. Ang mga nakalap na impormasyon sa imbestigasyon ang umano’y humantong sa pagkakadakip kay Ineng.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang isa pang itinuturong lookout na isang alyas “Rambo,” habang kabilang din ang isang alyas “Bunganga” sa mga inihahandaang sampahan ng kaso.

Inihahanda ng pulisya ang kasong parricide at murder laban kay Ineng, habang double murder naman ang inihahanda laban sa iba pang itinuturong sangkot.

Naganap ang krimen noong Agosto 27 sa Barangay Sadsaran, Mauban. Natagpuan ang 59-anyos na resort owner sa kanyang kuwarto at ang 48-anyos niyang partner sa banyo, kapwa nagtamo ng maraming saksak.

Sa unang yugto ng imbestigasyon, robbery ang isa sa mga tinitingnang motibo matapos mapansing nawawala ang cellphone at wallet ng mga biktima. Isang singsing, kutsilyo at mga damit na pinaniniwalaang kaugnay sa krimen ang narekober nang maaresto ang unang suspek.

Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis sa iba pang pinaniniwalaang sangkot sa pagpaslang. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here