Home NATIONWIDE PNP, DepEd: Gabay ng magulang mahalaga vs school violence

PNP, DepEd: Gabay ng magulang mahalaga vs school violence

4
0

MANILA, Philippines — Mahigpit na paggabay, bukas na komunikasyon at pagbabantay ng mga magulang sa online activities ng kanilang mga anak ang ilan sa mga hakbang na makatutulong upang maiwasang masangkot ang mga kabataan sa karahasan, ayon sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd).

Sa Kapihan sa Manila Prince Hotel nitong Miyerkoles, sinabi ni PNP Anti-Cybercrime Group director PMGen. Wilson Asueta na mahalagang bantayan ng mga magulang ang pagbabago sa kilos at pag-uugali ng kanilang mga anak, gayundin ang kanilang paggamit ng social media, online games at iba pang digital platforms.

Ayon kay Asueta, maaaring maimpluwensyahan ang ilang kabataan ng violent content at iba pang mapanganib na ideolohiyang nakikita nila online.

Gayunman, nilinaw niyang wala pang sapat na batayan upang direktang sabihing social media o mararahas na online games ang sanhi ng mga insidente ng school violence, habang nagpapatuloy pa ang mga kaugnay na imbestigasyon at pag-aaral.

Sinabi naman ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na may malaking impluwensya sa mga bata ang kanilang nakikita, naririnig at nararanasan sa tahanan at komunidad.

Iginiit niyang kailangang maging katuwang ng mga paaralan ang mga magulang sa pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante.

Itinulak din ni Garma ang pagpapalakas ng sports, arts, scouting at iba pang extracurricular activities upang magkaroon ng positibong outlet ang mga mag-aaral. Hindi rin umano kinakailangan ang ganap na pagbabawal sa social media dahil maaari rin itong magamit bilang kasangkapan sa edukasyon.

Muling naging sentro ng talakayan ang online safety at school security kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan nitong mga nakaraang buwan, dahilan upang pag-aralan ng pamahalaan ang mas mahigpit na safeguards para sa paggamit ng social media at gaming platforms ng mga menor de edad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here