Home NATIONWIDE Imbestigasyon sa pananakit ng pulis-Cavite sa estudyante ipinag-utos ng NAPOLCOM

Imbestigasyon sa pananakit ng pulis-Cavite sa estudyante ipinag-utos ng NAPOLCOM

5
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Miyerkules, Setyembre 2 ang imbestigasyon sa pulis na nanakit at nagbanta na papatayin ang isang estudyante sa Trece Martires City, Cavite.

Sa pahayag, sinabi ng NAPOLCOM na ang 20-anyos na estudyanteng si alyas Ace ay naghain ng reklamo laban kay Police Senior Master Sergeant Don Carlos Almonidovar ng General Trias Component City Police Station.

Ayon kay Ace, ang insidente ay nangyari bandang 11:30 ng gabi noong Agosto 27 sa Governor’s Drive sa Barangay San Agustin matapos siyang mag-U-turn sa unahan ng sasakyan ni Almonidovar.

Ani Ace, binangga umano ng pulis ang kanilang motorsiklo, sinaktan ito, at pinalo pa ng armas. Bukod dito ay pinagmumura rin umano siya at pinagbantaang papatayin.

Dinala din aniya siya at ang kanyang 19-anyos na kasamahang si alyas “Andrie” sa istasyon ng pulis kung saan sinubukang aregluhin ang insidente.

“A breathalyzer test reportedly showed alcohol consumption by PSMS Almonidovar,” ayon sa NAPOLCOM.

Wala pang tugon si Almonidovar patungkol dito.

Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan, si Almonidovar ay maaaring maharap sa kasong administratibo para sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kung mapatunayan sa imbestigasyon.

Ipapataw din ang dismissal sa serbisyo kung mapatutunayang liable ang pulis.

“Hindi tayo papayag na ang ordinaryong tao ay sasaktan, gigipitin, paduduguin, tatakutin o i-cover up ng sinumang pulis. Hangga’t nandito ang NAPOLCOM, maaasahan ng taong bayan na kikilos tayo at paninindigan natin ang kanilang karapatan. Para ito sa taong bayan. Makakaasa po kayong lahat,” anang opisyal.

Inatasan na ni Calinisan si Almonidovar at ang police investigator na may hawak ng kaso na humarap sa opisina ng NAPOLCOM ngayong umaga ng Huwebes, Setyembre 3. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here