MANILA, Philippines – Naghahanda ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng memorandum circular para alisin ang value-added tax (VAT) sa allowable system loss charge sa mga singil sa kuryente.
Ayon sa BIR, ilalabas ang revenue memorandum circular 15 araw matapos mailathala ang resolusyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nag-uuri sa system loss charge bilang government-mandated pass-through cost.
“Sa simpleng salita, hindi dapat nagbabayad ng VAT ang mga consumer sa kuryenteng hindi naman talaga nakararating sa kanilang bahay o negosyo,” ani BIR Commissioner Charlito Mendoza.
Dagdag niya, ang pagtanggal ng VAT sa naturang singil ay magpapababa sa halagang sisingilin sa mga consumer.
Sinabi naman ng ERC na posibleng sa Nobyembre pa maisakatuparan ang pagtanggal ng VAT sa system loss charge.
Ayon kay ERC Commissioner Francis Saturnino Juan, target nilang mailabas ang direktiba sa distribution utilities matapos maging epektibo ang kautusan upang mabago ang format ng mga electricity bill.
May ilang implementation issues pa aniya, dahil nalalaman lamang ang system loss na maaaring singilin ng distribution utilities matapos ma-bill ng generator ang mga ito.
Sinabi ni Juan na nakikipag-ugnayan na ang ERC sa BIR para mapabilis ang proseso, at posibleng maging epektibo ito pagsapit ng Oktubre, ngunit Nobyembre ang earliest target implementation.
Sa kanyang pinakahuling State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi dapat ipinapasa sa consumers ang system loss charges sa kanilang electricity bills.
Ang system loss charge ay bayad para sa kuryenteng nawawala dahil sa power pilferage at technical factors, gaya ng init na nalilikha sa mga wire at transformer.
Samantala, inilunsad ng Department of Energy ang “Brigada Kontra Jumper” campaign na humihikayat sa publiko na i-report ang mga nagnanakaw ng kuryente gamit ang eGovPH app. RNT/JGC