MANILA, Philippines – Umakyat na sa P3.62 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng magkakasunod na malalakas na pag-ulan, pinalakas na habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa pinakahuling assessment ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, umabot sa 74,809 ektarya ng agricultural areas ang naapektuhan habang nasa 87,745 metric tons ang naitalang production losses.
Apektado rin ang kabuhayan ng 86,466 magsasaka at mangingisda sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region at Western Visayas.
Pinakamalaki ang pinsala sa sektor ng palay na umabot sa P1.90 bilyon, katumbas ng 59,872 metric tons na production loss.
Sumunod ang high-value crops na nakapagtala ng P1.03 bilyon na pinsala, habang umabot naman sa P412.84 milyon ang pagkalugi sa fisheries sector.
Nagtala rin ng pinsala sa mais, livestock, cassava, irrigation facilities, farm structures, machinery at iba pang agricultural equipment.
Naglaan naman ang DA ng hindi bababa sa P645.46 milyon na tulong para sa mga apektadong sektor, kabilang ang P609.79 milyon na agricultural inputs para sa palay, mais at gulay.
Mayroon ding P35.67 milyon na insurance payouts para sa 5,005 insured farmers at fishers sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Maaari ring makakuha ang mga apektadong magsasaka ng hanggang P25,000 zero-interest loan sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program, na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.
Patuloy ang validation ng DA sa mga lugar na tinamaan ng masamang panahon kaya maaari pang magbago ang kabuuang halaga ng pinsala. RNT