SINASABI ng anti-Vice President Sara Duterte congressmen na pinag-iisipan na nilang iatras ang kasong bribery o panunuhol o Article 3 laban sa Bise Presidente.
Hindi umano dahil sa mahina o mahirap nilang patunayan ito kundi sapat na ang tatlong kaso: Article 4 (grave threat o grabeng pagbabanta), Article 1 (Misuse o maling paggamit ng confidential fund) at Article 2 (Unexplained o hindi maipaliwanag na yaman).
Gusto rin umano nilang paikliin ang panahon ng paglilitis.
Napatunayan na umano nila ang katotohanan sa Grave Threat at pinatutunayan pa lang nila ang Misuse habang patutunayan pa lang nila sa susunod na mga linggo ang Unexplained wealth.
Sa isa lang sa mga akusasyon o bintang na ito madedeklara si VP Sara na nagkasala, sapat na para matupad ang kanilang layuning matanggal sa pwesto si VP Sara, madiskwalipika nang tumakbo sa halalang presidential sa 2028 at masampahan pa ng kasong kriminal sa Sandiganbayan sa kalaunan.
Sa kasong bribery o panunuhol, pinagbintangan nila si VP Sara na namigay ito ng libo-libong salapi sa mga opisyal at empleyado ng Department of Education para sa paggawa ng katiwalian at pagpapayaman sa pwesto.
Sa kabila ng paliwanag ng prosekusyon, sinasabi naman ng iba na baka mayroon silang iniiwasan dito.
Katulad kasi ng grave threat o pagbabanta sa buhay nina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Lisa Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez na iniangkla o hinango sa video, nakaugat din sa video ang bribery o panunuhol.
Sa video, sinabi ni VP Sara na mismong si FL Lisa ang nagbigay sa kanya ng mga salapi at sinunod lang nito ang utos ni FL Lisa na ipamigay sa mga taga-DepEd na siya naman niyang ginawa.
Hindi kaya ang pagkakasangkot ni FL Lisa ang pangunahing dahilan ng balak na pag-atras ng prosekusyon-anti-VP Sara?






