Home NATIONWIDE Legarda, ginagamot sa seryosong sakit sa baga — Zubiri

Legarda, ginagamot sa seryosong sakit sa baga — Zubiri

3
0

MANILA, Philippines – Sumasailalim sa gamutan si Sen. Loren Legarda dahil sa seryosong karamdaman sa baga, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri nitong Huwebes.

Sinabi ni Zubiri na nais nang makauwi ni Legarda sa Pilipinas ngunit kailangan pa nitong tapusin ang kanyang medical tests. Wala rin umano siyang tiyak na impormasyon kung kailan makababalik sa Senado ang senadora.

“It’s a lung illness, seeking medical attention which need heavy medical attention. Serious matter,” ani Zubiri.

Nauna nang sinabi ni Senate President Win Gatchalian noong Agosto 27 na ipinaalam sa kanya ni Legarda na mayroon itong “serious illness,” bagama’t hindi niya noon idinetalye ang kondisyon dahil personal na usapin ito.

Ilang ulit nang pinalawig ni Legarda ang kanyang medical leave at hindi nakadalo sa mga nakalipas na sesyon at impeachment proceedings sa Senado. Batay sa naunang abiso sa Senate leadership, umabot hanggang Setyembre 2 ang pinakahuling extension ng kanyang medical leave.

Nanawagan naman si Zubiri sa publiko na bigyan ng konsiderasyon ang senadora habang sumasailalim ito sa gamutan.

Wala pang direktang pahayag mula kay Legarda o sa kanyang tanggapan hinggil sa eksaktong diagnosis at kasalukuyang kondisyon nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here