CALOOCAN CITY – Patay ang isang negosyante matapos umanong barilin ng lalaking kaangkas niya sa motorsiklo sa Camarin Road, Caloocan City nitong Martes ng gabi, Setyembre 2.
Batay sa salaysay ng isang 21-anyos na testigo sa pulisya, huminto ang motorsiklong sinasakyan ng biktima at suspek bandang alas-7:30 ng gabi bago naganap ang pamamaril.
Ayon sa testigo, nakasuot ng light brown na T-shirt at light-colored pants ang suspek nang barilin umano nito ang biktima.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa Quisumbing Street sa Barangay 178, Area D.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni Northern Police District Director Police Brig. Gen. Benliner Capili, lumalabas na may isinampang kasong may kaugnayan sa qualified theft ang biktima sa Caloocan City Prosecutor’s Office noong Hunyo 5, 2026.
Gayunman, wala pang kumpirmasyon kung may kaugnayan ang naturang kaso sa pagpatay.
Patuloy ang imbestigasyon ng Caloocan City Police sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng suspek. Merly Duero