MANILA, Philippines – Upang mabigyan ng mas malaking ginhawa ang mga pamilyang Pilipino mula sa mataas na singil sa kuryente, nanawagan si Senator Bam Aquino na alisin ang 12-porsiyentong value-added tax (VAT) sa kabuuang bayarin sa kuryente, sa halip na limitahan ang exemption sa system loss charges lamang.
Ayon kay Aquino, ang nakatakdang revenue memorandum circular (RMC) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nag-aalis ng VAT sa system loss charges sa mga electric bill ay magreresulta lamang sa 0.5 hanggang 0.8 porsiyentong bawas sa singil sa kuryente para sa mga sambahayang may average na konsumo na 200 kWh kada buwan.
Samantala, binigyang-diin niya na ang pagtanggal ng VAT sa electricity bill ay maaaring magresulta sa tinatayang 8 porsiyento hanggang 10 porsiyentong bawas sa bayarin ng isang karaniwang sambahayan, katumbas ng tinatayang P237 hanggang P296 na matitipid kada buwan, o P2,844 hanggang P3,552 bawat taon.
“Sa pag-aaral po kasi namin, ang liit lang kasi ng pagtanggal ng VAT sa systems loss, parang 0.8 percent lang. Iyong mungkahi talaga namin, iyong VAT mismo sa ating electricity bill ang dapat tanggalin. Aabot po ng 10 percent discount o 10 percent na pagbaba sa electricity bill natin,” wika ni Aquino, chairperson ng Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.
“Palagay ko, iyon ang mas hinahanap na lunas ng ating mga kababayan. Maganda naman po na mayroong ganyang panukala pero iyong mas mainam na solusyon, tanggalin iyong VAT sa buong electricity bill, hindi lang po sa systems loss,” dagdag pa niya.
Muling nanawagan si Aquino para sa pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 266, na inihain niya noong Hulyo 8, 2025, ilang araw lamang matapos magsimula ang 20th Congress.
Layunin ng panukalang batas na gawing VAT-exempt ang pagbebenta ng kuryente ng mga generation, transmission, at distribution companies, gayundin ng mga electric cooperative, upang makatulong na mapababa ang singil sa kuryente at maibsan ang pasanin ng mga consumer.
“Kapag inalis natin ang VAT sa kuryente, mababawasan ang bayarin sa kuryente at madadagdagan ang perang magagamit ng pamilyang Pilipino para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, gaya ng pagkain, gamot, at pambaon at pamasahe ng mga estudyante,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Aquino na ang pag-aalis ng VAT sa kuryente ay makatutulong sa pagpapalakas ng micro, small, and medium enterprises, paglikha ng mas maraming trabaho, at pagpapasigla ng paglago ng ekonomiya.
“Makakabawas din ito sa pasanin sa kuryente ng ating MSMEs at makatutulong na magpasok ng mga bagong negosyo sa bansa, na lilikha ng maraming trabaho at makakapagpalakas ng ating ekonomiya,” giit pa niya.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Aquino, ang pagbebenta ng kuryente ng mga generation, transmission, at distribution companies, kabilang ang mga electric cooperative, ay ituturing na VAT-exempt transactions. Exempt din sa VAT ang mga serbisyo ng mga franchise grantee ng mga electric utility.
Bilang bahagi ng kanyang pagkilos upang maibsan ang cost of living sa harap ng mataas na presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo, inihain din ni Aquino ang Senate Bill No. 2047 upang ibaba ang value-added tax (VAT) mula 12 porsiyento tungo sa 10 porsiyento sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo. Ernie Reyes