LA UNION-Swak sa kulungan ang isang 27-anyos na lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Aringay ng lalawigang ito nitong Huwebes, Setyembre 3.
Ayon sa Aringay MPS, ang suspek ay residente ng naturang bayan.
Bandang alas-10:00 ng umaga nang ikasa ang buy-bust operation at tumagal ito ng halos isang oras.
Ang operating team ay binubuo ng mga personnel ng Aringay MPS (lead unit), PDEA RO1, RID, PRO1, LUPIU at LUPDEU.
Sa naturang buy-bust operation ay nakarekober ang mga awtoridad ng apat (4) na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at dalawang (2) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng marijuana leaves with fruiting tops.
Tumitimbang ng 17 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P115,600 ang narekober na hinihinalang shabu samantalang tumitimbang naman ng 25 gramo at nagkakahalaga ng P3,000 ang marijuana.
Bukod sa hinihinalang shabu at marijuana, may mga narekober din na mga itinuturing na non-drug evidence.
Ginawa ang inventory at markings sa mga narekober na ebidensya sa mismong pinangyarihan ng buy-bust operation, sa harap ng mga mandatory witness at ng suspek. Rolando S. Gamoso