MANILA, Philippines – Maaaring ipatawag ng Senate impeachment court bilang mga testigo sina Col. Raymund Dante Lachica at Col. Dennis Nolasco kung makita ng mga senator-judge na kailangan ang kanilang testimonya bago magdesisyon sa impeachment case ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ayon kay Senate presiding officer Francis Escudero nitong Lunes, maaari itong gawin kahit inalis na sila ng House prosecution panel sa listahan ng mga testigo.
Sinabi ni House lead prosecutor Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro na hindi na nila planong iharap sina Lachica at Nolasco dahil sapat na umano ang mga ebidensiyang naiprisinta upang suportahan ang alegasyon ng maling paggamit at paglustay ng confidential funds.
Gayunman, sinabi ni Escudero na may kapangyarihan ang prosecution na pumili ng mga testigo, ngunit maaari pa ring magpasya ang mga senator-judge na ipatawag ang dalawa.
“Nothing prevents the court from calling a witness, not only as amicus curiae, but also as a witness, or even recalling a witness for that matter, should the court decide at the proper time to do so,” ani Escudero.
Ayon pa sa kanya, hahayaan munang matapos ng prosecution at defense ang kanilang presentasyon ng ebidensiya bago pag-usapan at ipaboto, kung kinakailangan, ang pagpapatawag sa dalawang dating security officer.
Iginiit naman ni Senator-judge Erwin Tulfo na dapat direktang matanong ng mga senator-judge sina Lachica at Nolasco dahil paulit-ulit silang nabanggit sa testimonya kaugnay ng paghawak sa kuwestiyonableng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Nilinaw ni Escudero na hindi kailangang ipatawag agad ang dalawa bago lumipat ang prosecution sa bahagi ng kaso tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman at bribery. Maaari silang ipatawag matapos ang presentasyon ng magkabilang panig at bago magdesisyon ang korte, kung kailangan ang kanilang testimonya upang maresolba ang isang partikular na impeachment article.
Kapag ipinatawag ng korte, hindi magiging testigo ng prosecution o defense sina Lachica at Nolasco.
“He will only answer to the queries of senator-judges because he’s a witness called by the court and not by the parties,” paliwanag ni Escudero.
Si Lachica ay dating hepe ng Vice Presidential Security and Protection Group, habang si Nolasco naman ang dating deputy commander nito. Pareho silang naiugnay sa mga naunang testimonya tungkol sa paghawak sa confidential funds ni Duterte. RNT/MDS/Ernie Reyes