MANILA, Philippines – Ipa-follow up ng gobyerno ng Pilipinas sa France ang kahilingan nitong red notice laban kay dating party-list lawmaker Zaldy Co, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
“We are filing a red notice for Zaldy Co again. Coincidentally, I will also be going to Lyon, France to follow up on his red notice with Interpol,” saad ni Remulla.
Ayon kay Remulla, makikipag-ugnayan siya sa Interpol habang si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla naman ay magsasagawa ng diplomatic efforts sa Paris para maibalik si Co sa Pilipinas.
Ang red notice ng Interpol ay kahilingan sa mga law enforcement agency sa iba’t ibang bansa na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang wanted na tao habang hinihintay ang extradition o kaugnay na legal na proseso.
Si Co ay akusado kasama si dating House Speaker Martin Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects. Noong Abril, pansamantalang na-detain si Co sa Prague bilang undocumented foreign national ngunit kalaunan ay pinalaya. Noong Mayo, iniulat na nasa Paris siya. RNT/MDS