MANILA, Philippines – Naglabas ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ng 7-puntong panawagan para sa World Teachers’ Month at inilunsad ang National Teachers’ Month campaign na may temang, “Dagdag sweldo, hindi dagdag trabaho! Ipaglaban ang karapatan at kagalingan, sapat na badyet at makabayang edukasyon!”
Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, ilang dekada nang hindi makabuluhan ang pagbabago sa kalagayan ng mga guro, na nahaharap sa mababang sahod, kakulangan sa benepisyo at promosyon, mabigat na trabaho, at mga limitasyon sa kanilang karapatan.
“Buong buwan na naman kaming babansagang makabagong bayani ngunit deka-dekada nang walang makabuluhang pagbabago sa aming kalagayan. Mayorya sa amin ay baon sa utang dahil sa kapos na sweldo at paulit-ulit na barat na umento, napag-iwanan ang mga benepisyo, pinagkakaitan ng nararapat na promosyon, robot kung ituring dahil sa bigat ng trabaho at patong-patong na responsibilidad, sinusupil ang karapatang magpahayag at mag-unyon at maging ang kalayaang akademiko, at ibinubunton sa amin ang sisi sa palpak at bulok na sistema,” ani Bernardo.
Kinuwestiyon din ng ACT ang tema ng DepEd na “Teacher, ikaw naman!”, dahil anila, hindi tugma ito sa realidad ng mga gurong mababa ang sahod, kulang sa benepisyo, sobra sa trabaho at nagtatrabaho sa mga paaralang kulang sa silid-aralan at pasilidad.
“Kaming teachers na naman, kami naman lagi ang taya. Kailan ba hindi ipinasan sa amin ang dagdag na trabaho at gastusin dahil sa kulang na guro, kawani, silid-aralan, at pasilidad? Kailan ba hindi ikinarga sa amin ang pagpapatupad ng mga ura-uradang pagbabagong hindi naman kami kinonsulta at inihanda? Kami rin ang laging napag-iiwanan sa makabuluhang dagdag-sweldo, benepisyo, at suporta. Kami rin ang laging sinisisi at pinupuna sa hikahos naming pamumuhay, sa krisis sa pagkatuto, at maging sa lumalalang karahasan sa loob at labas ng paaralan habang nalilihis ang responsibilidad at pananagutan sa gobyerno,” dagdag niya.
Ayon sa grupo, hindi sapat ang kasalukuyan at panukalang education budget upang tugunan ang kakulangan sa basic at higher education.
Hinihiling ng ACT kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga mambabatas at education agencies ang mga sumusunod:
–P50,000 panimulang sahod para sa mga guro at teaching personnel, at P36,000 para sa Salary Grade 1 employees;
–Makataong kondisyon sa trabaho at pagtanggal sa ARAL program at iba pang administrative tasks sa regular na trabaho ng mga guro;
–Education budget na hindi bababa sa 6% ng GDP;
–Pantay at sapat na oportunidad sa promosyon;
–Pagbabago sa curriculum tungo sa makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon;
–Pagtigil sa mga pag-atake sa karapatan at kalayaan ng education workers; at
–Makatarungang sahod, benepisyo at proteksyon para sa mga gurong nagsisilbing poll workers.
“Mula Setyembre hanggang mismong Pandaigdigang Araw ng mga Guro, sama-samang kikilos ang mga guro ng bayan para itambol at kamtin ang aming kagyat at makatwirang mga kahingian. Bukod sa anumang selebrasyon, pagpupugay at pagkilala, ang kailangan namin ay tunay na pagpapahalaga at konkretong hakbang ng gobyerno upang iangat ang aming kalagayan at ibangon ang edukasyon,” ani Bernardo. DANNY QUERUBIN








