LEYTE, Philippines – Nailigtas ng local responders ang isang dolphin na na-stranded sa mababaw na bahagi ng dagat sa Barangay Ul-og, Calubian, Leyte noong Lunes.
Rumesponde ang Philippine Coast Guard, DA-Calubian at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) matapos iulat ang dolphin bandang alas-1 ng hapon. Sinuri at sinukat ang hayop bago ito ginabayan patungo sa mas malalim na tubig.
Sa pangkalahatan ay nasa maayos na kondisyon ang dolphin, maliban sa maliit na sugat sa nguso na maaaring dulot ng pagkakabangga sa mga bato. Posibleng naligaw ito dahil sa malakas na agos at hangin habang low tide.
May sukat itong humigit-kumulang 5 talampakan at 9 pulgada ang haba, 10 pulgada ang lapad at 32 pulgada ang circumference ng katawan.
Matapos ang assessment, matagumpay itong naibalik ng rescue team sa malalim na bahagi ng dagat sa Barangay Efe. RNT/MDS