MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10971 na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK), mula sa kasalukuyang apat na taon.
Umabot sa 211 mambabatas ang bumoto pabor sa panukala, habang 13 ang tutol at isa ang nag-abstain. Dahil dito, ipagpapaliban din ang nakatakdang 2026 Barangay at SK Elections (BSKE) at ililipat sa 2028.
Iginiit ng mga tagasuporta na kailangan ng mas mahabang termino upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga opisyal na makumpleto ang mga proyekto at programa sa kanilang mga barangay. Gayunman, tinutulan ito ni House Assistant Minority Leader Renee Co, na nagsabing:
“The Supreme Court had said that postponement of elections needs a compelling governmental interest, like protecting the right to suffrage, and a real emergency. The law giving them a four-year term is not even a year old, and yet here we are extending it again.”
“This makes this bill, for me, without basis and unconstitutional,” dagdag niya.
Kailangan pa ring pag-isahin at pagtibayin ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kani-kanilang bersyon bago tuluyang maging batas ang panukala. RNT/MDS