CALOOCAN CITY, Philippines – Laglag sa parak ang isang construction worker na tulak ng ilegal na droga sa naganap na buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, napaulat kagabi.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU-NPD) hinggil sa umano’y pagtutulak ng illegal na droga ng 28-anyos na construction worker kaya isinailalim nila ito sa validation.
Nang positibo ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng DDEU-NPD ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kung saan isa sa mga operatiba ng DDEU ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek.
Nang tanggapin umano ng suspek ang markadong salapi mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-9:12 ng gabi sa Alhuda Street, Barangay 188.
Nasamsam sa suspek ang humigi’t kumulang 17.5 grams ng suspected shabu na ay estimated standard drug price na P119,000.00 at buy bust money.
Ayon sa pulisya, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa nila laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings. (Merly Duero)