Home OPINION MGA DAPAT MANAGOT, MAKAKAPAL MUKHA

MGA DAPAT MANAGOT, MAKAKAPAL MUKHA

2
0

HABANG patuloy na nilulubog ng baha ang mga komunidad, patuloy rin ang pagtaas ng panganib sa kalusugan. Sa loob lamang ng dalawang linggo, umabot sa 15,763 ang bagong kaso ng dengue sa bansa, ayon sa DOH. Sa buong 2026, nasa 128,634 na ang naitalang kaso.

Totoong hindi lahat ng dengue ay dahil sa baha, pero hindi rin maikakaila na ang pagbaha at naiiwang tubig ay lumilikha ng mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok.

Kaya, hindi na dapat magtaka pero dapat hanapin kung nasaan ang sinasabing solusyon sa baha.

Kung may mga ghost project, substandard flood-control project o proyektong hindi naman talaga nakapagpababa ng panganib sa baha, hindi lamang pera ang nawawala sa ordinaryong Pilipino kasama na ang kalusugan, kabuhayan at araw ng trabaho.

At habang ang mga pamilyang nagdurusa ay naglilinis ng putik at nag-aalala sa dengue, may mga taong inakusahan ng korapsyon na nakakalakad pa rin nang malaya. Nakapagyayabang pa na masarap ang tulog nila dahil “bed weather” at hindi inaalala ang kapakanan ng kanilang mahihirap na kababayan.

Hindi pwedeng hanggang imbestigasyon lamang.

Kung mapatutunayang may mga proyektong pinondohan ngunit hindi ginawa, minadali, substandard o sadyang itinayo para pagkakitaan, dapat silang pagbayarin—hindi lamang sa ninakaw na pondo kundi sa pinsalang idinulot sa mamamayan.

Bakit hindi isama sa singil ang pagkawala ng kita ng manggagawang hindi nakapasok dahil sa baha?

Bakit hindi managot sa nawalang kita ng mga driver na hindi nakapasada dahil lubog ang mga kalsada?

At paano naman ang gastos ng mga pamilyang nagpagamot dahil sa sakit na pinalala ng paulit-ulit na pagbaha?

Kung ang kapabayaan o korapsyon ang dahilan, hindi dapat taumbayan ang laging nagbabayad.

Matagal nang baha. Matagal nang problema. Matagal na ring bilyon-bilyong pisong flood-control budget.

Pero bakit baha pa rin ang bida?

Ang gobyerno ang nangako ng proteksyon. Kung ang proteksyong iyon ay ninakaw, nilustay o itinayo nang sablay, oras nang singilin hindi lamang ang mga magnanakaw, kundi ang sistemang hinayaang mangyari ito.

Dahil sa bawat baha, may Pilipinong nagkakasakit, nawawalan ng kita at nababaon sa gastos.

Samantalang ang mga responsable sa mga pangyayari ay tila hindi man lang nabahiran ng kahihiyan. Sabagay, makapal na ang kanilang mga bulsa na mas makapal pa sa kanilang mga mukha.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here