BANGKOK, Thailand — Iniimbestigahan ng mga awtoridad ng Thailand ang isang klinika sa Bangkok matapos mamatay ang 43-anyos na British businessman at influencer ilang oras matapos sumailalim sa penis enlargement procedure.
Batay sa ulat ng coroner sa United Kingdom, naturukan ng 40 milliliter ng hyaluronic acid filler ang pasyenteng si Ubiribo noong Marso 5.
Nagpapamasahe umano siya matapos ang procedure nang makaramdam ng pananakit ng dibdib at mawalan ng malay.
Isinugod siya sa ospital dahil sa hinihinalang pulmonary embolism, ngunit nawalan na siya ng malay bago maisagawa ang CT scan. Mahigit 100 minuto siyang sinubukang buhayin bago idineklarang patay dakong ala-1 ng madaling-araw.
Ayon sa post-mortem examination at toxicology report, ang hyaluronic acid injection ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Iniutos ng Thai Ministry of Public Health ang imbestigasyon upang alamin kung may balidong lisensya ang klinika at kung nasunod ang mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Sinabi ng pamunuan ng klinika sa mga imbestigador na regular nilang pasyente ang Briton mula pa noong 2024 at limang beses nang sumailalim sa penile enlargement injections.
Inirekomenda umano ng doktor na hatiin sa dalawang session ang ikalimang procedure, ngunit hiniling umano ng pasyente na ilagay ang buong filler sa isang session. Pahayag ito ng klinika at patuloy pang sinusuri ng mga awtoridad.
Nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang pulisya ng Bangkok.
Muling nagbabala ang Thai health ministry na kailangan ang pinakamataas na antas ng pag-iingat sa anumang medical procedure. Layunin din nitong matiyak ang kaligtasan ng mga lokal at dayuhang pasyenteng nagpupunta sa Thailand para sa medical at aesthetic services. RNT