BILANG mamamahayag, tungkulin nating magtanong, magsiyasat at maglahad ng mga isyung dapat malaman ng publiko—kahit pa hindi ito magustuhan ng mga taong tinatamaan ng balita.
Ngunit ang kalayaan sa pamamahayag ay may hangganan, at ito ay nasa sampung utos ng “Ethics of Journalism.” Ang kalayaang ito ay may kaakibat na responsibilidad na maging tapat, patas at maingat sa bawat inilalathala.
Pero may mga pagkakataong ang isang artikulo ay nagiging mitsa ng galit. At kapag nasaktan ang pride ng isang personalidad, nauuwi sa pagbabanta, pananakot o paghihiganti laban sa mamamahayag.
Walang halaga ang tinatawag na ethics of journalism kung ito ay sinasang-ayunan lamang kapag pabor at patuloy na nilalabag kapag hindi na naaayon sa sariling interes.
Ang kredibilidad ng pamamahayag ay hindi nasusukat sa tapang ng panulat lamang, kundi sa integridad, katapatan at pananagutan ng mamamahayag na gumagamit nito.
Kung may mali sa isinulat, may ligal at demokratikong paraan upang ito ay sagutin—maglabas ng ebidensya, humingi ng paglilinaw, magpaayos ng maling impormasyon o dumulog sa nararapat na ahensya.
Mahalaga rito ang papel ng National Press Club of the Philippines at ng mga ahensyang may mandato na tumulong sa seguridad ng media. Sapagkat kapag ang isang mamamahayag ay pinatahimik sa pamamagitan ng takot, hindi lamang isang reporter ang nawawalan ng boses. Nawawalan din ng pagkakataon ang publiko na malaman ang magkabilang panig ng isang usapin.
Sa demokrasya, ang maling artikulo ay sinasagot ng katotohanan. Ang alegasyon ay sinasagot ng ebidensya. At ang alitan ay dinadala sa tamang proseso—hindi sa dahas.
Ang journalism ethics ay hindi dapat piliin kung kailan lamang ito maginhawa. Ito ay pananagutang dapat sundin sa bawat pagkakataon—sa pagsusulat ng balita, paglalathala ng impormasyon at pagbibigay ng opinyon.
Maaaring magalit ang iba sa panulat, ngunit hindi iyon lisensya para gawing puntirya ng paghihiganti ang mamamahayag.
Ang sagot sa panulat ay panulat, ang sagot sa alegasyon ay ebidensya, at ang sagot sa pagkakamali ay paglilinaw—hindi pananakot.






