MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Nagsuko ang tatlong alkalde sa Maguindanao del Sur ng anim na high-powered firearms na isinuko ng kanilang mga nasasakupan bilang bahagi ng kampanya laban sa mga loose firearms.
Tinanggap ni Brig. Gen. Ricky Bunayog, acting commander ng Army’s 6th Infantry Division, ang mga armas noong Sabado sa headquarters ng 601st Infantry Brigade sa Barangay Kamasi, Ampatuan.
Kabilang sa mga alkalde sina Shariff Aguak Mayor Akmad Ampatuan, Ampatuan Mayor Datu Rasul Sangki, at Sultan sa Barongis Mayor Allandatu M. Angas Sr.
Kabilang sa mga isinukong armas ang isang caliber .50 machine gun.
Ayon kay Brig. Gen. Gremel Brual, commander ng 601st Infantry Brigade, nakolekta ng mga lokal na opisyal ang mga armas mula sa kanilang mga nasasakupan bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms.
Malugod namang tinanggap ni Bunayog ang hakbang ng mga alkalde, lalo na’t isinuko ang mga armas bago ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao parliamentary elections sa Lunes, Setyembre 14.
“Such joint efforts help strengthen public trust and security and contribute to a safer, more peaceful and progressive Bangsamoro,” ani Bunayog. RNT/MDS