Home TECH TREND Weather, climate forecasting gamit AI, pinag-aaralan

Weather, climate forecasting gamit AI, pinag-aaralan

1
0

MANILA, Philippines – Isang bagong paraan ng paggamit ng artificial intelligence (AI) ang binubuo ng mga researcher sa Switzerland upang mapabilis ang weather at climate forecasting at makatulong sa maagang pagtukoy ng mga natural disaster.

Gagamitin ng mga researcher ng Federal Institute of Technology Zurich (ETH) ang humigit-kumulang 100 petabytes ng publicly available NASA climate data na inilagay sa mga server na konektado sa supercomputer na Alps.

Ayon kay Thomas Schulthess, computational physics professor ng ETH at pinuno ng Swiss National Supercomputing Centre, malaking oportunidad ito para sa mga siyentipiko dahil direktang magagamit ang napakalaking NASA dataset sa supercomputer.

Humigit-kumulang isang taon ang ginugol sa pagkopya ng nasa 6 bilyong NASA files. Ayon kay climate physics professor Reto Knutti, mahalaga ang napakaraming datos sa pagbuo ng AI models na makapagpapabilis sa weather at climate forecasting.

Mas mabilis umano ang AI-generated statistical models kaysa sa tradisyunal na paraan na gumagamit ng mathematical equations upang gayahin ang kumplikadong proseso sa atmosphere at karagatan.

Ayon kay Knutti, maaaring makagawa ang isang statistical model ng global weather forecast para sa ilang araw sa loob lamang ng halos isang minuto. Dahil mabilis itong patakbuhin, maaari ring magsagawa ng mas maraming forecast kada ilang minuto upang makita ang mga partikular na weather pattern.

Maaari itong gamitin sa early warning systems upang makatulong na makapagligtas ng buhay. Posible rin umanong matukoy nang mas maaga ang mga panganib gaya ng landslide at glacier collapse sa pamamagitan ng pagsusuri sa satellite data.

Binigyang halimbawa ni Knutti ang glacier collapse sa Swiss village ng Blatten noong Mayo 2025, na nakita na umano sa satellite data mahigit isang taon bago nangyari. Dahil sa monitoring, nailikas ang mga residente isang linggo bago ang pagbagsak ng glacier at naiwasan ang malawakang pagkamatay.

Maaari rin umanong makatulong ang masusing pagsusuri ng satellite data sa pagtukoy ng mga lugar na posibleng makaranas ng katulad na sakuna, gaya ng glacier collapse sa Nepal-China border noong Agosto 26. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here