Home NATIONWIDE Mahigpit na pagpapatupad ng building standards, ipinag-utos ni PBBM

Mahigpit na pagpapatupad ng building standards, ipinag-utos ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno at lokal na opisyal na higpitan ang pagpapatupad ng construction at building standards para mas maging matatag ang imprastraktura laban sa lindol, baha at iba pang sakuna.

Ayon kay Palace press officer Claire Castro, inatasan ni Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyaking mahigpit na nasusunod ang quality standards sa pagtatayo ng mga gusali at iba pang imprastraktura, lalo na ang mga kailangang makayanan ang matitinding kondisyon ng panahon.

Kasunod ito ng pagsang-ayon ng Pangulo sa rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) para palakasin ang structural resilience, kabilang ang mas mahigpit na standards sa construction materials at panukalang Building Resilience Seal para sa mga estrukturang nakatutugon sa earthquake-resilience requirements.

Binanggit din ni Castro ang kaso ng Davao Mighty Steel Corp., na isinangguni ng National Bureau of Investigation sa Department of Justice. Ayon sa mga awtoridad, gumamit umano ang kompanya ng radioactive bearing materials at nakagawa ng substandard steel bars na nakarating na sa merkado.

Nagbabala si Castro na maaaring malagay sa panganib ang tibay ng mga imprastraktura kapag gumamit ng substandard materials, na maaari ring humantong sa aksidente at pagkamatay.

Inatasan din ang mga local government unit na huwag payagang mag-operate ang mga negosyong hindi nakatutugon sa safety at quality requirements.

Samantala, inirekomenda ng PSAC ang buong pagpapatupad ng Philippine National Standard (PNS) 49:2026, ang updated standards para sa steel bars na ginagamit sa concrete reinforcement. Inirekomenda rin nito ang mas mahigpit na standards para sa earthquake-resistant reinforcing steel at inspeksiyon sa imported cement.

Iminungkahi rin ng konseho ang Building Resilience Seal para sa mga bahay at gusaling nasuri at nakitang sumusunod sa earthquake-resilience standards. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here