MANILA, Philippines — Humingi umano si Sen. Loren Legarda ng moral support mula sa kanyang mga kasamahan sa Senado habang kinakaharap ang plunder complaint kaugnay ng P10.44-bilyong solar energy projects at habang nagpapagamot sa iniulat niyang karamdaman, ayon kay Sen. Panfilo Lacson.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Lacson na dalawang beses na silang nagkausap ni Legarda ngunit wala umano itong binanggit kung kailan siya babalik sa Pilipinas.
“Ang appeal niya sa amin, bilang kasamahan sa Senado, parang humingi lang siya ng moral support,” ani Lacson.
Sinabi rin ng senador na ipinaliwanag ni Legarda na nakararanas siya ng pambabatikos at may kinakaharap na health issue.
Nauna nang kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nakapaghain na sina Legarda at kanyang anak na si Batangas Rep. Leandro Leviste ng counter-affidavit kaugnay ng plunder complaint na iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman.
Itinanggi nina Legarda at Leviste ang mga alegasyon. Iginiit ni Legarda na “false and baseless” ang mga paratang at walang public funds na sangkot.
Naka-medical leave si Legarda mula Agosto 3 at ilang beses itong na-extend habang nasa ibang bansa.
Samantala, tinawag ng tagapagsalita ni Legarda na “political persecution” at “lawfare” ang imbestigasyon ng Ombudsman. RNT