COTABATO CITY — Tatlo ang patay habang 15 iba pa ang sugatan matapos mauwi sa pamamaril ang alitan ng magkaribal na political supporters sa labas ng polling center sa Barangay Bagua 2, Cotabato City nitong Lunes, Setyembre 14.
Kinumpirma ng Cotabato City Police na naganap ang insidente sa Datu Usman Mampen school site, ilang oras bago magsimula ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections.
Ayon kay Cotabato City Police chief Col. Jibin Bongcayao, nagsimula umano ang gulo sa pagtatalo sa puwesto sa pila ng supporters ng dalawang magkaribal na kampo.
Nauwi umano ang tulakan sa suntukan bago nagkaroon ng palitan ng putok sa mataong lugar.
Kabilang sa mga nasugatan si local Councilor Marouph Pabo Pasawiran.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga nagpaputok at iba pang sangkot sa insidente.
Kasunod ng magkakasunod na insidente ng karahasan, inilagay ng Commission on Elections sa ilalim ng Comelec control ang Cotabato City, kasama ang Maluso, Basilan, habang nagpapatuloy ang BARMM polls. Mary Anne Sapico