MANILA, Philippines — Inilunsad ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes ang opisyal na website kung saan maaaring subaybayan ang partial at unofficial results ng kauna-unahang BARMM parliamentary elections.
Maaaring makita ang election results sa barmmpelectionresults.comelec.gov.ph/dashboard.
Ayon sa Comelec, magsisimula ang transmission ng partial at unofficial results matapos magsara ang botohan alas-7 ng gabi at matapos mailimbag ang unang siyam na kopya ng election returns.
Kabuuang 80 puwesto sa Bangsamoro Parliament ang nakataya sa halalan—40 regional parliamentary party representatives, 32 parliamentary district representatives at walong sectoral representatives.
Ang halalan ngayong Setyembre 14 ang unang regular parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kasunod ng ilang beses na pagpapaliban sa iskedyul nito.
Bahagi ito ng paglipat ng BARMM mula sa interim government sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority tungo sa unang democratically elected Bangsamoro Parliament. RNT