MANILA, Philippines — Inatasan ng Senate impeachment court ang Philippine National Bank (PNB) at UnionBank na isumite ang bank records ni Vice President Sara Duterte sa o bago ang Setyembre 17.
Ayon kay impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, pinalawig ang orihinal na deadline matapos humiling ng dagdag na panahon ang dalawang bangko dahil sa dami ng dokumentong kailangang isumite.
Nilinaw ni Escudero na hindi na maaaring palawigin pa ang Setyembre 17 deadline.
Nauna nang pinagbigyan ng impeachment court noong Hulyo 20 ang hiling ng House prosecution panel na maglabas ng subpoena para sa bank records ng Bise Presidente.
Balak gamitin ng prosecution ang mga dokumento bilang bahagi ng ebidensiya sa Article II ng impeachment case, na may kaugnayan sa mga alegasyon ng umano’y unexplained wealth, hindi kumpletong disclosure sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth at pagpapatuloy umano ng ilang business interests habang nasa puwesto.
Nauna ring humiling ang prosecution na aminin ni Duterte ang authenticity at ownership ng ilang bank accounts na balak nilang iharap bilang ebidensiya.
Ang mga paratang sa Article II ay nananatiling alegasyon at kailangan pang patunayan sa impeachment trial. RNT