Home TOP STORIES Mga reklamo ng ilang customers sa isang mobile banking, nais idulog sa...

Mga reklamo ng ilang customers sa isang mobile banking, nais idulog sa BSP

66
0

MANILA, Philippines — Ilang customer ng isang online banking app ang nagpahayag ng reklamo hinggil sa umano’y delayed o disputed transactions, problema sa account access, at customer service, at nanawagang matingnan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang mga concern.

Batay sa mga reklamong inilathala ng ilang MariBank Philippines customer sa social media, kabilang sa kanilang iniulat ang umano’y delayed o unsuccessful fund transfers, duplicate transactions, problema sa OTP at login, pansamantalang pagka-lock ng accounts, at mga transaksyong sinasabi nilang hindi nila awtorisado.

Sa isang Facebook post, sinabi ng isang customer na may nakita umano siyang withdrawal transaction sa kanyang MariBank account noong Agosto na hindi niya kinilalang kanya.

Ayon sa customer, ini-report niya ang transaksyon sa bangko ngunit sinabi niyang hindi naging malinaw sa kanya kung gaano katagal ang dispute process at kung maibabalik ang halagang kanyang kinukuwestiyon. Sinabi rin niyang idinulog na niya ang kanyang concern sa BSP.

May iba pang customer na nagsabing ilang araw o linggo silang naghintay ng tugon o resolution sa kanilang mga dispute. May ilan ding nagsabing nakatanggap sila umano ng magkakaibang impormasyon hinggil sa status o haba ng proseso ng kanilang reklamo.

Isang customer naman ang nagsabing ipinaalam sa kanya na maaaring umabot umano sa 30 hanggang 120 araw ang investigation period para sa kanyang dispute.

Sa isa pang social media post, sinabi ng isang customer na dalawang tig-P10,000 credit card payment transactions umano ang lumabas sa kanyang account. Ayon sa kanya, ang isa sa mga transaksyon ay nanatiling pending bago naging “completed,” kahit sinabi niyang hindi pa ito natatanggap ng biller.

May ilan ding nag-ulat ng InstaPay transfers na nakasaad umanong successful ngunit hindi agad natanggap ng recipient bank, gayundin ng accounts na pansamantalang na-lock o na-block.

Ang mga naturang pahayag ay mula sa mga customer na nag-post sa social media at hindi pa independiyenteng nabeberipika. Hindi rin nangangahulugan ang pagkakaroon ng reklamo o dispute na may napatunayan nang paglabag o pagkukulang ang MariBank Philippines.

Sa ilalim ng consumer assistance framework ng BSP, maaaring idulog ng financial consumers sa Bangko Sentral ang kanilang reklamo laban sa BSP-supervised financial institutions matapos munang gamitin ang complaint or consumer assistance mechanism ng kinauukulang institusyon.

Hinihingi ang panig ng MariBank Philippines kaugnay ng mga reklamong ito, kabilang ang proseso nito sa pagresolba ng disputed transactions, turnaround time ng mga imbestigasyon, at mga hakbang nito kaugnay ng account access at fund-transfer concerns.

Bukas ang Remate Online sa anumang paglilinaw o tugon mula sa MariBank Philippines hinggil sa usapin. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here