MANILA, Philippines — Tiniyak ni Senate finance committee chairman JV Ejercito na hindi na niya papayagan ang last-minute insertions at amendments sa panukalang 2027 national budget.
Sa panayam sa isang ulat, sinabi ni Ejercito na maaga pa lamang ay ipinaalam na niya sa kanyang mga kasamahan at counterparts na hindi niya pahihintulutan ang mga pagbabago sa budget sa huling sandali.
“This early, I told everybody, even our counterparts, that I will not allow any more last-minute insertions, last-minute amendments,” ani Ejercito.
Kumpirmado sa Senate Budget Transparency Portal na si Ejercito ang kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Finance.
Sinabi rin ng senador na bibigyan niya ng mas malaking papel ang civil society organizations sa pagsusuri ng budget bago ihanda ang committee report.
Ayon kay Ejercito, maaaring bigyan ang mga watchdog group ng isa o dalawang araw upang magsumite ng kanilang observations at mga nakikitang red flags sa mga budget request ng mga ahensya.
May mga item na rin umanong na-flag sa ilalim ng “Eagle Eyes” mechanism ng komite at hihingan ng paliwanag ang mga kinauukulang ahensya.
Nauna na ring nanindigan si Ejercito laban sa last-minute insertions at amendments sa national budget, kabilang sa bicameral conference committee. RNT