MANILA, Philippines — Sumadsad ang piso sa panibagong record intraday low na P62.865 kada US dollar nitong Lunes, Setyembre 14, habang patuloy na naiipit ang local currency sa mataas na presyo ng langis at tensyon sa Middle East.
Mas mahina ito kumpara sa P62.68 closing rate noong Biyernes, na dati nang pinakamababang pagsasara ng piso laban sa dolyar.
Ayon sa mga market analyst, nakadaragdag sa pressure sa piso ang pagtaas ng global crude oil prices dahil mas lumalaki ang demand ng Pilipinas para sa dolyar upang bayaran ang imported petroleum products. Maaari rin itong magpalakas ng inflationary pressure at magpalaki sa trade deficit.
Bagama’t maaaring makakuha ng mas maraming piso ang mga pamilyang tumatanggap ng dollar remittances mula sa overseas Filipino workers, maaari namang mabawasan ang benepisyo nito kapag tumaas ang presyo ng mga bilihin.
Patuloy na binabantayan ng merkado kung lalapit o lalampas sa P63 kada dolyar ang palitan habang nananatiling mataas ang presyo ng langis at nagpapatuloy ang geopolitical tensions. Dave Medina