MANILA, Philippines — Hindi dapat manghimasok ang Senado o ang impeachment court sa pagsisikap nina detained Sens. Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada na makalahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Sinabi ni Lacson na dapat ang mga abogado ng dalawang senador ang dumulog sa Sandiganbayan kung nais nilang makadalo, makaboto o lumahok sa proceedings sa pamamagitan ng online setup.
“Noong nag-caucus kami, sinabi ko baka ang dating niyan, may undue pressure tayo sa Sandiganbayan,” ani Lacson sa panayam sa dzBB.
Ayon sa senador, maaaring magmukhang nakikialam ang Senado sa isang hiwalay na hukuman kung ito mismo ang hihiling sa Sandiganbayan na payagan ang dalawang senador na lumahok sa impeachment trial.
Nauna nang ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division noong Hulyo ang kahilingan ni Estrada na dumalo sa impeachment trial, sinabing walang sapat na legal na batayan upang payagan ang kanyang paulit-ulit na paglabas mula sa detention.
Si Marcoleta naman ay naghain ng manifestation na iginiit na nananatili ang kanyang karapatang bumoto bilang senator-judge sa kabila ng kanyang pagkakadetine.
Samantala, sinabi ni Lacson na mahalaga ang magiging pananaw ng mga inimbitahang amici curiae hinggil sa pinagtatalunang 16-vote threshold para ma-convict ang Bise Presidente.
Kabilang sa mga inimbitahan ang retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., gayundin si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna.
Ayon kay Lacson, makatutulong ang kanilang legal na pananaw bago pagbotohan ng mga senator-judge ang mosyon na kumukuwestiyon sa 16-vote requirement. RNT