MANILA, Philippines — Maaaring amyendahan ng Senado ang sariling rules upang pormal na ipatupad ang “no work, no pay” policy sa mga senador na lumiliban nang walang pahintulot, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Sinabi ni Lacson na hindi sapat na kusang-loob lamang na hindi kunin ng isang senador ang kanyang suweldo at allowances kapag matagal itong hindi pumapasok.
“Pag unauthorized na ang absence, dapat hindi parang self-imposed lang o unilateral na di kukunin ang sweldo. Dapat official na merong sulat sa Land Bank, sa Treasury, na isu-suspend ang sweldo o ititigil,” ani Lacson sa panayam sa dzBB.
Naging sentro ng usapin ang matagal na pagliban ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi regular na nakadadalo sa Senado mula Nobyembre 2025. Nauna nang sinabi ni dela Rosa na hindi niya kinukuha ang kanyang suweldo habang wala siya sa Senado.
Sa kasalukuyang Senate rules, walang awtomatikong “no work, no pay” policy para sa mga senador dahil lamang sa hindi pagdalo sa session. Nauna na ring sinabi ng Senate leadership na maaaring dumaan sa ethics process ang usapin ng matagal na pagliban.
Ayon kay Lacson, marami sa kanyang mga kasamahan ang pabor na magkaroon ng malinaw at pormal na polisiya para sa unauthorized absences.
Hindi pa lamang umano naisasalang ang usapin dahil abala ang Senado sa regular legislative work, deliberasyon sa 2027 national budget at impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ernie Reyes