Home NATIONWIDE Lipat-kostudiya ng mga balota, target ng Comelec

Lipat-kostudiya ng mga balota, target ng Comelec

1
0

COTABATO CITY — Isusulong ng Commission on Elections (Comelec) sa Kongreso ang pagbabago sa batas upang mailipat sa poll body ang kustodiya ng mga balota sa halip na manatili ang mga ito sa city o municipal treasurer bago ang halalan.

Ito ang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia kasunod ng pagkakadiskubre ng mga pre-shaded ballot sa Maluso, Basilan sa kauna-unahang BARMM parliamentary elections nitong Lunes.

Ayon kay Garcia, isa sa pinakamahalagang election documents ang balota kaya dapat itong nasa kustodiya ng isang impartial na institusyon at hindi sa tanggapang maaaring maimpluwensiyahan ng lokal na politika.

“Kung pinagkakatiwala kay Comelec ang mga makina, bakit hindi naman magkatiwala sa amin ang mga balota?” ani Garcia.

Sa kasalukuyang sistema, inilalagak sa city o municipal treasurer ang mga balota bago ang election day. Nakabatay ang sistemang ito sa mga probisyon ng election laws na matagal nang umiiral, habang maging sa BARMM election rules ay nakatalaga rin sa treasurer ang custody ng ballot boxes at ilang election documents.

Sinabi ni Garcia na hihilingin ng Comelec sa Kongreso na amyendahan ang batas upang direktang mapasakamay ng poll body ang mga balota.

Umigting ang panawagan matapos madiskubre ang pre-shaded ballots sa 36 precincts sa Maluso, dahilan upang magpa-reprint ang Comelec ng mga balota at isailalim ang bayan sa Comelec control.

Tinatayang nasa 600 botante ang naapektuhan ng insidente ngunit tiniyak ng Comelec na magpapatuloy ang botohan at maaaring palawigin ang voting hours kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here