MAGUINDANAO DEL SUR — Sampung lalaki ang inaresto sa isang police checkpoint sa Shariff Saydona Mustapha habang nagpapatuloy umano ang putukan may 700 metro mula sa isang polling center nitong Lunes, Setyembre 14.
Base sa ulat, sakay ng tricycle ang mga lalaki nang harangin ng Philippine National Police at nagtangka umano silang tumakas nang parahin ng mga pulis.
Nakarekober umano ang mga awtoridad ng maraming basyo ng bala mula sa grupo.
Isa pang sasakyan ang hinarang sa checkpoint kung saan nakarekober umano ang pulisya ng isang .45-caliber handgun mula sa mga sakay nito.
Iniulat na nagpapatuloy nang halos isang oras ang putukan sa lugar ngunit nagpatuloy pa rin ang pagboto sa kalapit na polling center.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang mga naaresto sa nagaganap na putukan at kung election-related ang insidente. Mary Anne Sapico