MANILA, Philippines — Inalis na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang value-added tax (VAT) sa system loss charges sa singil sa kuryente, hakbang na inaasahang makapagpapababa kahit bahagya sa electricity bills ng mga consumer.
Ayon kay Senate Committee on Energy chair Sen. Erwin Tulfo, inilabas ng BIR ang Revenue Memorandum Circular No. 97-2026 na nag-aalis ng VAT sa naturang singil.
Ang system loss charge ay gastos sa elektrisidad na nawawala habang dinadala at ipinapamahagi ang kuryente, at ipinapasa bilang bahagi ng singil sa mga consumer.
Tinawag ni Senate President Sherwin Gatchalian na “big win” para sa mga consumer ang hakbang dahil naalis ang buwis kahit walang bagong batas na ipinasa ng Kongreso.
Gayunman, sinabi ni Sen. Bam Aquino na limitado lamang ang magiging epekto nito sa kabuuang bayarin sa kuryente.
Ayon kay Aquino, tinatayang 0.6% hanggang 0.8% lamang ng electricity bill ang katumbas ng VAT sa system loss.
Nanawagan naman si Sen. Risa Hontiveros sa Energy Regulatory Commission (ERC) na pag-aralan ang tuluyang pagtanggal mismo ng system loss charge.
Sinabi ni Tulfo na ipagpapatuloy ng Senate energy panel ang pagtalakay sa mga panukalang alisin sa mga consumer ang singil para sa non-technical system losses. RNT