Home NATIONWIDE Nabiktima ng cybercrime, sumirit sa record-high – SWS

Nabiktima ng cybercrime, sumirit sa record-high – SWS

3
0

MANILA, Philippines — Umakyat sa record-high 8% ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na may miyembrong nabiktima ng cybercrime sa nakalipas na anim na buwan, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Mas mataas ito sa 5.8% noong Marso 2026 at pinakamataas mula nang simulang sukatin ng SWS ang cybercrime victimization noong Hunyo 2023.

Kabilang sa tinukoy na cybercrime sa survey ang online scam, account hacking at cyberbullying.

Pinakamataas ang naitalang insidente sa Metro Manila, na tumaas mula 10.1% noong Marso patungong 13.4% noong Hunyo.

Umakyat din ito sa Visayas mula 4.1% patungong 10.4%, at sa Mindanao mula 5.3% patungong 8.8%.

Bahagya namang bumaba sa Balance Luzon mula 5.5% patungong 5.1%.

Samantala, bumaba sa 10% mula 12.3% ang mga pamilyang nagsabing nabiktima ng karaniwang krimen gaya ng robbery o pickpocketing, break-in, carnapping at physical violence.

Sa kabila nito, nanatiling mataas ang pangamba sa krimen. Umabot sa 62% ang nagsabing karaniwang nangangamba ang mga tao sa kanilang lugar na mapasok ng magnanakaw ang kanilang bahay, habang 59% ang nagsabing natatakot ang mga residente na maglakad sa kalsada sa gabi dahil hindi ligtas.

Isinagawa ang Second Quarter 2026 Social Weather Survey mula Hunyo 20 hanggang 29 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults nationwide. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here