Home NATIONWIDE Nasawi sa MV June Aster fire umakyat sa 77; 12 nawawala pa

Nasawi sa MV June Aster fire umakyat sa 77; 12 nawawala pa

2
0

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 77 ang bilang ng nasawi sa sunog na sumiklab sa MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan, ayon sa Coron Municipal Health Office at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office nitong Miyerkules, Setyembre 16.

Nadagdagan ang death toll matapos pumanaw noong Martes sa Culion Sanitarium and General Hospital ang isa sa mga naunang nailigtas mula sa barko.

Dahil dito, 43 na lamang ang nakaligtas habang 12 katao ang nananatiling nawawala.

Nasunog ang MV June Aster noong Setyembre 9 habang naglalayag sa karagatan ng Coron. Hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.

Samantala, kusang nagpakita noong Lunes sa tanggapan ng operator na Atienza Interisland Ferries Inc. si MV June Aster Captain Roel Sarmiento, limang araw matapos ang insidente.

Ayon sa Philippine Coast Guard, nakatakdang tanungin si Sarmiento ng mga imbestigador kaugnay ng mga pangyayari bago at matapos ang sunog, kabilang ang kanyang kinaroroonan matapos ang insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here