MANILA, Philippines — Naglagay na ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng mga nakaabang na disaster relief supplies sa Pilipinas at tatlong iba pang bansa upang mapabilis ang pagresponde sa malalaking kalamidad sa rehiyon.
Ayon kay Office of Civil Defense Undersecretary Harold Cabreros, may regional relief stockpiles na sa Pilipinas, Thailand, Malaysia at Indonesia sa ilalim ng ASEAN Coordinating Centre for Humanitarian Assistance on Disaster Management o AHA Centre.
Layunin nitong mailapit ang emergency supplies sa mga lugar na maaaring tamaan ng sakuna upang mas mabilis na maipadala ang tulong sa mga apektadong komunidad.
Matagal nang bahagi ng ASEAN disaster response system ang pre-positioning ng relief goods. Noong 2019, binuksan ang satellite warehouse sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, kasama ng pasilidad sa Thailand, bilang bahagi ng Disaster Emergency Logistics System for ASEAN o DELSA.
Sinabi ni Cabreros na susuporta ang mga regional warehouse sa sariling disaster response ng bawat member state at sa pagpapatupad ng “One ASEAN, One Response” approach.
Bukod sa relief stockpiles, pinalalakas din ng ASEAN ang training, knowledge-sharing at early warning systems upang mapahusay ang paghahanda at koordinasyon bago at habang may kalamidad.
Ngayong 2026, inilunsad din ng AHA Centre ang ASEAN Emergency Logistics Roadmap 2026-2030 upang palakasin ang logistics preparedness at paghahatid ng humanitarian assistance sa buong rehiyon. Dave Medina