MANILA, Philippines – Hindi na papatulan ng Department of Justice (DOJ) ang pahayag ni Senador Robin Padilla na mas nais pa nitong harapin ang reklamo ng International Criminal Court (ICC) kaysa harapin ang reklamong isinampa ng kapwa Pilipino.
Sinabi ni DOJ Undersecretary Ian Norman Dato na pursigido ang National Prosecution Service (NPS) na busisiin ang lahat ng ebidensyang inilatag ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) para usigin ang mga respondent kabilang si Padilla.
Sa kabila ng nasabing pahayag, iginiit ng opisyal na magpapatuloy ang preliminary investigation sa reklamong obstruction of justice laban sa senador.
Tungkulin aniya ng ahensya na magsagawa ng imbestigasyon at mag-isyu ng subpoena para ipatawag ang mga respondent upang magsumite ng counter-affidavit at ebidensya.
Ayon kay Dato, bahagi ito ng due process para mabigyan ng patas na pagkakataon ang magkabilang panig na maipaliwanag ang kanilang posisyon bago desisyunan kung may sapat na basehan ang kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden