MANILA, Philippines – Nananatiling mababa ang tolerance ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson sa korapsyon sa buong panahon ng kanyang serbisyo publiko, bilang alagad ng batas at mambabatas at hindi niya tatantanan ang mga korap.
Muling iginiit ito ni Lacson nitong Huwebes habang patuloy niyang binabantayan ang mga iregularidad sa panukalang 2027 national budget, gayundin ang korapsyong nasa likod ng mga “ghost” flood control at iba pang infrastructure projects.
“Mula law enforcement hanggang Senado, napakababa ng tolerance ko sa mga corrupt. I am always consistent in this regard. Talagang hindi ko sila tatantanan,” diin ni Lacson sa X.
Noong nasa law enforcement pa siya mula 1971 hanggang 2001, hinabol ni Lacson ang mga kriminal at tiwaling pulis, kabilang ang mga “kotong” cops.
Ipinatupad niya ang “no-take policy” laban sa pangongolekta ng protection money mula sa illegal gambling, at tinanggihan ang mga alok na suhol at hush money mula sa mga opisyal. Sa proseso, mahigit 2,000 pulis ang nasibak sa serbisyo.
Bilang senador mula 2001, patuloy namang inilalantad ni Lacson ang mga iregularidad at isinusulong ang pagprotekta sa national budget laban sa “pork barrel” sa lahat ng anyo nito.
Nitong Agosto, binantayan ni Lacson ang mga lump-sum appropriation sa panukalang 2027 budget, kabilang ang P180 milyon para sa evacuation centers sa bawat isa sa 17 rehiyon ng bansa, o kabuuang P3.06 bilyon.
Kinuwestiyon din niya ang paulit-ulit na pagbabago sa spending targets para sa Universal Health Care (UHC) Program, dahil hindi naman palaging tumutugma rito ang aktuwal na paggasta. Noong 2022 lamang, ilang sunod-sunod na financing plan para sa UHC ang inilabas ng Department of Health.
Itinuro rin ni Lacson na malaking dahilan ng pagkaantala at underutilization ng pondo para sa mga proyekto ng DOH ang legislative insertions sa national budget, dahil nagdaragdag ang mga mambabatas ng mga proyekto nang hindi kinokonsulta ang kagawaran.
Samantala, sina Lacson at noo’y Senate finance committee chairman at ngayo’y Senate President Sherwin Gatchalian ang tumulong sa paglalaan ng karagdagang P162.9 milyon para sa Anti-Money Laundering Council, na nagbigay-daan sa paggamit nito ng artificial intelligence sa mga anti-money laundering efforts ngayong taon.
Iminungkahi rin ni Lacson na tanggalan na ng pondo ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na patuloy na hindi maayos ang performance, sa halip na bawasan lamang ang kanilang subsidies, upang masulit ng pamahalaan ang limitadong resources nito.
Samantala, noong nakaraang taon ay nagbigay si Lacson ng mga privilege speech na naglantad sa korapsyong kinasasangkutan ng mga flood control project sa mga lugar kabilang ang Bulacan at Mindoro. Pinamunuan din niya ang mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga ito.
Isinumite ni Lacson at ng kanyang team sa Office of the Ombudsman at Department of Justice ang mga ebidensiyang nakalap sa mga pagdinig ng Blue Ribbon panel.
Kamakailan, pormal ding nagsumite si Lacson at ang kanyang staff sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na suportado ng mga opisyal na dokumento at nagdedetalye sa tinawag nilang “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project sa Taguig City. Nagsasagawa na ngayon ang Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga alegasyong kinasasangkutan ng mga proyekto roon.
Nagsumite rin sina Lacson at ang kanyang team sa Ombudsman ng ilang ebidensiyang nakalap nila hinggil sa mga umano’y ilegal na reclamation at infrastructure project sa Taguig City. Ernie Reyes