MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa 1.38 milyong pamilya na miyembro ng 4PS ang priority na kabilang sa patuloy na makikinabang sa cash aid ng gobyerno sa susunod na taong 2027 batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa DSWD ang 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay may pitong taong programa na nagsimula noong taong 2019 at magtatapos ngayong December 2026.
Sinabi ni Atty Elaine Fallarcuna, Asst Secretary for Conditional Cash Transfer Group ng DSWD, ang naturang mga benepisyaryo ay mula sa 4PS level 1 survival members na aabot sa 1,744 families at mga nasa Level 2 subsistence 4Ps members na nasa 1,379 families.
Kaugnay nito, aabot naman sa 200,000 member families ang graduate o nag-exit na sa 4Ps ngayong taon na tinutulungan na ngayon ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Ngayong 2026 ay nasa 1.7 milyong pamilya ang miyembro ng 4Ps.
Target naman ng DSWD na magkaroon ng 3.5 milyong pamilya na maging benepisyaryo ng programa sa 2027.
Samantala, niliwanag ni Fallarcuna na umaabot na lamang sa P99 bilyon ang pondo ng 4Ps sa 2027 dahil maraming miyembro na ang lumabas sa programa dahil naging self-sufficient na o may kakayahan na buhayin ang pamilya at ang iba naman ay wala nang anak na nasa edad 0 hanggang 18 years old.
Bunsod nito, nilinaw ng ahensya na patuloy ang assessment ng DSWD para sa dagdag na bilang ng benepisyaryo ng 4PS para sa susunod na taon.
Inanunsyo din ni Fallarcuna na nasa 192,000 deserving tertiary student na miyembro ng 4Ps ang nakapag-apply na sa ilalim ng Expanded Tertiary Education Benefits sa Tertiary level mula First year hanggang 5th year sa Kolehiyo.
Ito ay bilang tugon ng pamahalaan sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na sa bawat pamilya ay dapat may isang college graduate o Tesda graduate para mabawasan ang kagutuman sa bawat pamilyang Pilipino. Santi Celario