Home NATIONWIDE Insights ng ex-SC justice, tutuldok sa desisyon sa voting threshold vs VP...

Insights ng ex-SC justice, tutuldok sa desisyon sa voting threshold vs VP Sara – Lacson

2
0

MANILA, Philippines – Tumatak kay Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson ang mga pananaw na ibinahagi ng tatlong dating punong mahistrado ng Supreme Court sa pagharap sa Impeachment Court nitong Miyerkules.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na makatutulong ito sa kanyang pagdedesisyon kapag bumoto ang Impeachment Court sa susunod na linggo sa pinagtatalunang voting threshold para sa conviction.

Aniya nitong Huwebes, marami itong natutuhan sa talakayan ni retired Chief Justice Reynato Puno sa “textual vs. contextual” interpretation, pagbibigay-diin ni retired Chief Justice Artemio Panganiban sa “truth and fairness,” at interpretasyon ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna sa pariralang “all means all” sa pagtukoy ng threshold.

“Engaging in open court with three of the Court’s most esteemed former justices (including two former Chief Justices) was an unforgettable experience. Concepts like ‘textual vs. contextual,’ ‘truth and fairness,’ and ‘all means all’ certainly left an indelible mark on my mind and conscience. These insights will directly guide my decision next week,” ani Lacson sa X.

Noong Miyerkules, pabor si Puno sa isang “contextual” na interpretasyon ng Konstitusyon, at sinabing hindi dapat awtomatikong ituring na nakapirming 16 boto ang two-thirds requirement kapag may mga sitwasyong legal na humahadlang sa isang senador na gumanap bilang miyembro ng Impeachment Court.

Sinabi naman ni Panganiban na maaaring bigyang-kahulugan ng mga senador ang Konstitusyon alinsunod sa kanilang mandato bilang mga kinatawan ng taumbayan, na ginagabayan ng “truth and fairness.” Kinwestyon din niya kung dapat isama sa pagbibilang ng voting threshold ang mga senator-judge na hindi nakadalo o nakibahagi sa paglilitis.

Para naman kay Azcuna, iba ang kanyang posisyon sa pariralang “all the members of the Senate” sa Article XI, Sec. 3 (6) ng Konstitusyon, at sinabi niyang, “As long as they are members of the Senate, they constitute the denominator in computing the threshold of two-thirds because all means all.”

Ayon naman kay retired Chief Justice Hilario Davide Jr. sa kanyang memorandum na binasa sa proceedings nitong Miyerkules, dapat ibatay ang pagkukuwenta ng two-thirds sa bilang ng mga senador na “qualified to vote.”

Sa kanyang interjection noong Miyerkules, tinanong ni Lacson si Panganiban kung paano matitiyak ng Impeachment Court ang “fairness and truth” na binanggit nito kung siyam na senator-judge ang hindi makadalo sa impeachment trial, na mag-iiwan lamang ng 15—isang kulang sa 16 na boto na kumakatawan sa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado na kinakailangan para sa conviction.

Boboto ang mga senator-judge sa susunod na linggo kung pananatilihin o babaguhin ang ruling ni Impeachment Court presiding officer Sen. Francis Escudero na 16 na boto ang kinakailangan para sa conviction, batay sa probisyon ng Konstitusyon na “no person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate.”

Nabuksan ang usapin matapos iapela ni Sen. Erwin Tulfo ang unang ruling ni Escudero hinggil sa voting threshold. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here